BAKIT NAKAKA-CRAZY ANG Crazy Little Thing Called Love?

Simple lamang ang plot ng kwento ng Crazy Little Thing Called Love. Hindi ito naiiba sa iba pang love story na simpleng boy-meets-girl ang pormula. Predictable ang bawat eksena. Predictable din ang pagbabago ng mga karakter.

Kwento ito ni Nam, isang high school student. Pangit. Mahusay sa klase. Handa siyang gawin ang lahat para mapansin nang lalaking nagugustuhan. Handa siyang masaktan. Magsakripisyo. Gawin ang mga bagay na hindi naman niya talaga dating ginagawa. Ninais niya ring maging maganda, na hindi naman niya ikinabigo.

Samantalang si Shone naman ang lalaking nagugustuhan ni Nam. Gwapo. Campus crush. Head turner. Mahilig sa photography at paglalaro ng foot ball. Makulit, pasaway at may pagka-basagulerong estudyante kaya madalas maparusahan ng kaniyang mga guro.  Pero may lihim si Shone na hindi alam ni Nam. Lihim rin itong may pagtingin sa babae. Marami siyang pagkakataong ipagtapat ang tunay na nararamdaman kay Nam ngunit lagi siyang pinanghihinaan ng loob. Dinadaga ang dibdib. Kaya ilang taon ang inantay niya para masabi ang tunay na nararamdaman sa hinahangaan.

Pahaging sa Crazy Little Thing Called Love

Isa itong Thai film na pinalabas sa Thailand. Naging popular din ito sa iba’t ibang bansa. Isa na nga rito ang Pilipinas na may tagalized version. Naging popular sa bansa ang artistang gumanap sa role ni Shone na si Mario Maurer. Nagkaroon din siya ng pagkakataong gumawa ng proyekto kasama si Erich Gonzales.

Bakit nga ba naging popular ang Crazy Little Thing?

Bakit nga ba naging popular ang pelikulang Crazy Little Thing Called Love. Kung napanood mo na ito, ikaw mismo masasagot mo ito. Masarap dibang balikan ang mga panahong nasa sekundarya tayo? Sabi nila halos lahat ng ‘first’ naranasan natin sa high school. First love. First kiss. First crush. First time masaktan ng dahil lang sa pag-ibig. Sa kabila ng pagiging simple ng kwento ng pelikulang ito, binabalik naman tayo nito sa ating mga karanasan noong una tayong nakaramdam ng tinatawag nating ‘puppy love’.

Karamihan sa atin minsan na ring naging si Nam. Balikan natin ang mga panahong hindi pa uso ang social network at cellphone dahil mahal pa ang mga ito ng mga panahong iyon. Dinadaan na lang sa sulat ang ligawan. Kakuntsaba pa ang mga kaibigan na naghahatid ng mga sulat. Uso rin ang scrapbook at slum book. Madalas isulat dito ang mga ‘first’ natin. Hindi ka dumaan sa pagka-teenager kung hindi mo ito naranasan ng mga panahong iyon. O baka naman gaya ka rin ni Nam? Gumawa tayo ng checklist ng pinaggagawa ni Nam para lang mapansin siya ni Shone:

□        Nagkukunwari kang magsi-c.r. pero ang totoo sisilayan mo lang ang crush mo sa kabilang room.

□        Sinusundan mo siya lalo na kung recess.

□        Inaabangan mo siya kapagka-uwian.

□        Tinatago mo ang bagay na may kinalaman sa kaniya.

□        Sa bagay na may kinalaman sa kaniya mo sinasabi ang pagmamahal mo sa taong nagugustuhan mo.

□        Kapag Valentine’s Day palihim kang nagbibigay ng regalo sa kaniya.

□        Inaalam mo kung saan siya nakatira.

□        Inaalam mo ang number niya.

□        Kahit anong pagpapaganda pinapahid mo para lang kuminis ka.

□        Kinilig ka nang bigyan ka niya ng isang bagay, pero na-disappoint ka ng malaman mo na hindi lang pala ikaw ang nabigyan niya.

□        Naiinis ka sa taong kaagaw mo sa taong nagugustuhan mo.

□        Obvious na nagpapansin ka sa kaniya. Pa-tweetums kung minsan.

□        Tinatapatan mo ang taong kalaban mo sa atensyon sa kaniya.

□        Gumagawa ka ng scrapbook at doon mo lahat ini-express ang feelings mo.

□        Di ka makatulog.

□        Bumilis ang tibok ng puso kapag nakikita mo ang taong yun.

□        PATAY NA PATAY KA SA KANIYA.

Kamusta ang checklist mo? Madami ka bang na-tsekan? O at least mayroon kang na-tsekan? Nakaka-relate ka ba? Malamang nakaka-relate ka. Kasi lahat naman tayo minsan na ring naging si Nam. Kahit isa lang ang na-tsekan mo, ikaw pa rin si Nam. Kung marami naman? Malamang ikaw na ikaw na ikaw na ikaw si Nam. Baliw sa pag-ibig. Baliw kung umibig.

Ngayon naman tingnan natin kung ikaw ang tipo ni Shone. Gaya ni Nam, may roon rin tayong checklist:

□        Ikaw yung tipo na kahit mo alam na gusto ka rin ng taong nagugustuhan mo ay mananahimik na lamang.

□        Ikaw yung tipo na hindi kayang ipaglaban ang tunay na nararamdaman.

□        Poker face. Parang di affected kahit nagseselos na. Kahit nasasaktan na. Kahit nakakasakit na.

□        Mag-aabot na lang ng regalong rosas sasabihin pang pinabibigay lang sa kaniya.

□        Hanggang silay na lang.

□        Hanggang titig na lamang sa larawan ng nagugustuhan.

□        Pilit na magpapansin pero mag-i-step back kapag palapit na sa nagugustuhan niya.

□        Lihim kung magparamdam ng pag-ibig. Kahit magpaka-mysterious effect pa.

□        Lihim na kinikilig kapag nahahawakan ang kamay ng nagugustuhan niya.

□        Gumagawa rin ng scrapbook at doon nag-i-express ng kaniyang tunay nararamdam.

□        Disappointed sa sarili sa araw-araw na hindi magawang masabi ang tunay na nararamdaman.

Marami ka bang na-tsekan? Kung marami malamang isa kang TORPEDO, torpe for short.

 

Kinilig ka marahil

Kinilig ka ano? Habang pinapanood mo ang pelikulang ito, parang feeling mo teenager ka uli. O kung teenager ka parang nakikita mo na ang sarili mo kay/kina Shone o/at Nam. Ito ang lantarang sangkap ng pelikulang ito. Sino ba naman kasi ang hindi kikiligin na sa kabila ng pagkukunwari ni Shone na wala siyang gusto kay Nam ay may tinatatago pala itong scrap book? Ilang beses din niyang hindi pinakita ang tunay na paghanga kay Nam. Ilang nga sa mga eksenang nagpakilig sa akin ay ang mga sumusunod:

Una na rito ay nang gumanap si Nam na Snow White. Doon lamang napagtanto ni Shone na maganda pala si Nam kapag naayusan. Nang hiningan siya ng opinyon ng kaibigan niyang si Pinn, ang nag-ayos kay Nam, kunwari’y hindi nagandahan si Shone sa bagong ayos ng dalaga. Bumaba siya sa inuupuang hagdan pero lihim naman niyang kinunan ng litrato si Nam sa ayos nito na ma-ala prinsesa. Kay Shone din galing ang kapirasong papel na nabasa ni Nam matapos ang dula. Nakasulat sa papel: “Tinikman ko ang mansanas, wala naman pala itong lason” (in tagalized version). Nakapatong sa maliit na papel ang masanas na kinagatan ni Nam nang siya ay mag-perform. Bukod sa kagat ng dalaga, may isa pang kagat ang masanas—galing naman iyon kay Shone.

Pangalawa, araw ng Valentine’s Day noon. Tradisyon na sa kanilang paaralan na kapag araw ng mga puso ay magsusulat ang sinuman sa damit ng gusto nilang bigyan ng message. May nagbibigay din ng sweets at di naman mawawala ang bulaklak. Nang mga panahong iyon, naging kilala na si Nam dahil pinalabas sa kanilang paaralan ang bidyo ng kaniyang pagganap bilang Snow White. Marami siyang natanggap na regalo. Madumi na rin sa tinta ang kaniyang damit. Halos hindi na makayanang dalhin ng kaniyang mga kaibigan ang mga sweets at bulaklak. Pero hindi pa rin masaya si Nam. Ini-expect niya kasi na bibigyan din siya ni Shone ng regalo o kahit na ano. Kahit message lang kaniyang damit. Hindi naman siya nabigo, dumating nga si Shone bitbit ang isang puno ng puting rosas. May ugat pa ito. Halatang kabubunot lang. Nagtitigan muna sila. Kita sa mata ni Nam ang pagkakilig. Ngunit inatake ng pagka-torpe si Shone, matapos niyang iabot ang rosas, sabi niya hindi iyon galing sa kaniya, mat nagpapabigay lang. Bigla na lamang nalungkot si Nam, pansin iyon ni Shone kaya dagli siyang tumalikod para itago ang tunay na nasa damdamin. Sa huling bahagi ng pelikula ipinakita ang naging reaksyon ni Shone. Dismayadong-dismayado kung bakit hindi niya magawang masabi na galing sa kaniya ang bulaklak. Nakakakilig ang eksenang ito ng dalawa. Lalo pa ng pinakita sa last part ng pelikula na sadyang tinanim ni Shone ang bulaklak na iyon na para talaga kay Nam.

Pangatlo, nang sumama si Nam sa camping ng mga kaibigan ni Shone, na nang mga panahong iyon ay liniligawan siya ni Top, bestfriend ni Shone. Nagtagpo sina Shone at Nam sa bridge. Nagka-kwentuhan sila. Yinaya naman ni Nam si Shone na kumain ng squid na bigay ni Top. Tumanggi si Shone dahil hindi raw siya kumakain ng squid. Kinuwento niya kay Nam kung bakit. May kinuwento raw kasi sa kaniya ang kaniyang ama tungkol sa dalawang squids na nagka-gustuhan. Nagkatuluyan daw ang dalawang squids. Nagpakasal. Habang kinakasal ang dalawang squids sinabi ng paring squids na maghawak kamay ang ikakasal. Maraming tentacles ang squid kaya ilang beses silang naghawak kamay. Bagaman hindi mai-konekta ni Nam kung bakit hindi pa rin kumakain ng squid si Shone, tinanong na lang niya ang lalaki kung may nahawakan na bang itong kamay ng babae. Sumagot ang lalaki. Sabi niya sa isang pangit na babae na muntik nang mahulog mula sa stage. Mag-rereact pa sana si Nam ngunit tinawag na siya ni Top. Alam kasi ni Nam na siya ang tinutukoy ni Shone. Nagpaparamdam na si Shone kaya lang hindi niya talagang magawang magtapat sa babae.

Panglima, nang si Nam na mismo ang nagtapat ng pagmamahal kay Shone. Araw muli iyon ng mga puso. Sa pagkakataong ito si Nam naman ang magbibigay ng bulaklak kay Shone. Kinumbinse kasi siya ng kaniyang mga kaibigan na kung hindi siya ang magtatapat, masasayang lang lahat ng kaniyang pagsisikap na mapansin ng lalaki. Kaya, sinundan ng magkakaibigan si Shone. Sa pool nila natagpuan ang binata. Mag-isang pumasok sa pool area si Nam at doon niya natagpuan si Shone na mag-isang kumukuha ng mga larawan. Napansin siya ni Shone. Kinunan siya ng litrato. Tangan-tangan niya sa kamay ang puting rosas na may papel na nakatali. Dere-deretso lamang sa pagtatapat si Nam. Hanggang sa mabasa niya sa polo ng lalaki ang: Pinn love Shone. Tinanong niya ang lalaki tungkol sa kanila ni Pinn. Muli, nagsinungaling si Shone. Sabi niya totoo ang nakasulat. Naging emosyonal si Nam. Ngunit hindi magawang sabihin ni Shone ang totoo.

Pang-anim, nang ilabas na ni Shone ang kinatatagong scrap book. Sa eksenang habang isa-isa niyang binubuklat ang bawat pahina, isa-isa niya ring naalala ang tuwa, kilig, frustration, pagsisi at pag-ibig—  na gandang-ganda siya kay Nam nang gumanap ito bilang Snow White, nang linigtas niya ang dalaga na muntik nang nahulog sa stage, nang hinayang na hinayang siya na hindi masabi sa dalaga na sa kaniya galing ang rosas, nang abutan siya ng dalaga ng tubig habang lumalaban siya ng football, nang makasama niya ito sa bridge, nang madalas niyang makita ang dalaga na kasama ang kaniyang bestfriend, at nang hindi niya magawang magtapat. Halu-halong damdamin na kinukubli ng bawat pahina ng kaniyang scrapbook. Ang scrapbook na magpapatunay na matagal na siyang may pagtingin kay Nam. Nang gabing yaon, paalis na siya dahil sasali siya sa isang football team. Gaya ni Nam ayaw niyang masayang ang pagtingin sa babae. Kaya minabuti niyang puntahan si Nam, ngunit pinangunahan na naman siya ng takot at kaba. Iniwan niya na lamang ang scrapbook sa tapat ng pinto ng bahay nina Nam.

Pang-pito, ito na sa tingin ang pinaka-kiligan ko. Matapos ang siyam na taon isa nang sikat na designer si Nam, samantalang isang sikat na football player at photographer si Shone. Ang eksena, ini-interbyu si Nam ng host ng isang t.v. program. Matapos ang mga tanong, may pinakita ang host sa mga audience. Bagay na nagpakaba kay Nam—ang scrap book ni Shone. Pumatak ang luha ni Nam, saka mula sa back stage ay lumabas si Shone na may hawak-hawak na white bouquet of roses. Hindi makapagsalita si Nam. Habang si Shone naman ay nakangiti sa dalaga. Pumagitan ang host. Aniya kung may itatanong daw si Shone kay Nam. Pinagtapat ni Shone na ang button na kinatatago ni Nam ay hindi talaga sa kaniya. Tinanong naman ni Nam kung kasal na ba si Shone. Hindi agad naka-imik ang binata. Pa-suspense effect. Ang tanging sagot lamang ni Shone ay hindi pa siya kinakasal dahil may inaantay pa siya sa US. Inaantay niya for nine years. Napaiyak sa tuwa ang dalaga. Alam niya siya ang tinutukoy ni Shone.

 

Sidekick, konsitidor at tagapamigatan

Wala man akong ka-love affair noong high school, minsan naman akong naging sidekick, konsintidor at tagapamigatan sa mga classmates ko nagkaka-inlaban. Gaya ng mga kaibigan ni Nam, hindi talaga mawawala sa isang high school relationship ang mga gaya nila na kagaya ko rin ang role sa mga love birds.

Simula pa lang na malaman ng mga kaibigan ni Nam na may gusto ito kay Shone  ay gumawa na sila ng paraan para lang mapansin ng lalaki. Kung anu-anong pamahid ang dinala ng mga ito para lamang mapaganda ang kaibigan, laging kasama kapag sisilay sa binata, laging kakuntsaba kapag may planong ibigay sa binata, at nag-abala rin ang mga ito na bumili ng libro tungkol sa siyam na paraan para magustuhan siya ng lalaki.

Ngunit dumating din sa punto na nagkatampuhan ang mag-kakaibigan dahil hindi nakasama si Nam sa birthday celebration ng isa sa mga kaibigan nila. Naging mailap ang mga it okay Nam. Kaya nagdamdam ang dalaga. Parang hindi kumpleto ang araw niya na wala ang mga kaibigan niya. Gumawa siya ng paraan para lamang makabati ang mga kaibigan. Linapitan niya na ang mga ito at humingi ng tawad. Muli siyang tinanggap ng mga kaibigan at nagkapatawaran.

Hindi naman ganitong eksena ang naranasan ko sa classmates ko nagkakagustuhan. Gusto ko talagang maging sila. Bagay kasi sila. Kilig na kilig ako kapag nakikita ko silang magkasama. Dumating ako sa punto na para lang makasama ang kaklase kong babae sa outing naming magka-klase ay pinapaalam ko siya sa kaniyang guardian. Tiwala sa akin ang guardian niya at siniguro kong hindi kasama ang pinaghihinalaan nilang kasintahan ng kaklase kong babae. Naging tagapamigatan din ako sa kanila kapag may sasabihin sila sa isa’t isa.

 

Pagbabalik-tanaw  sa kabaliwan

Isang pagbabalik tanaw sa pagiging teenager ang pelikulang ‘Crazy Little Thing Called Love’. Wala nang mas masarap pang balikan, kung hindi ang mga panahon na masasabi nating naranasan natin ang halos lahat ng ‘first’ natin—ang pagiging teenager. Gaya ng nauna kong nasabi, ito ang lantarang sangkap ng pelikulang ito. Lantaran dahil, lantaran nitong pinapakita ang mga pinagagawa ng mga teenager para lamang sa pag-ibig. Nakakabaliw nga ang pag-ibig. Kaya nga pag-inlab ka magiging gaya mo rin si Nam at Shone na parehong ‘baliw’ sa pag-ibig. Mag-kaiba ang pagpapakita nila ng kabaliwan sa pag-ibig. Si Nam hayagan ang pagpapakita samanatlang si Shone naman tahimik lamang—halos hindi mo masasabing may pagtingin din siya. Pero pareho lamang ang paraan nila ng pag-express ng kanilang sarili. Pareho silang nagtatago ng mga bagay na makapagpapa-alala sa kanila sa taong hinahangaan nila. Pareho silang gumagawa ng scrapbook para sa isa’t isa. Pareho silang gumagawa ng effort. Kay Nam ang pagbibigay ng mga regalo at pagpapansin kay Shone. Kay Shone ang palihim na pagkuha ng larawan ni Nam, ang pagtatanim at pag-aalaga niya ng rosas na binigay niya kay Nam.

Siguro sa lahat ng kabaliwan, ito sa tingin ko ang pinakamasarap na kabaliwan. Ngunit ito rin ang pinakamasakit na kabaliwan na pwedeng maranasan ng isang taong nagmamahal.

Advertisements

One thought on “BAKIT NAKAKA-CRAZY ANG Crazy Little Thing Called Love?

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s