PAGSABAY AT PAGPASOK SA UMIIKOT NA ‘BILOG’ (ISANG PAG-SUSURI SA PELIKULANG ‘CIRCLE’)

(retrieved from Media-imdb.com)

Si Cris… siya yung baklang nagbebenta ng kung anu-ano sa may Quezon City Circle o mas kilala sa tawag na “Circle”. Gaya ng isang bilog, magaling ding magpa-ikot ng tao si Cris kaya nakakabenta siya ng kaniyang mga items sa mga taong nakakasalamuha niya araw-araw. At gaya din ng isang bilog, minsan ang buhay ni Cris ay nasa ibabaw at minsan naman nasa ilalim.

Ang bilog daw ay ‘infinite’. Ibig sabihin nito ay walang katapusan. Iikot siya ng iikot hanggang ang simula ay maging wakas at ang wakas ay maging simula. Walang liko-liko sa bilog. Dire-diretso lamang ito sa pag-ikot. Gaya ni Cris na patuloy lamang sa pagsabay sa pag-ikot ng bilog. Mas madali kung makiki-ikot ka lang sa bilog, pero ang pumasok sa loob nito, yun marahil ang mahirap na gawin. Gusto ni Cris na pumasok sa loob. Ngunit kung gaano ka-swabe ang pagsabay sa ikot, ganoon naman kalubak ang pumasok sa loob. Tulad ng naranasan ni Cris.

Ano ba ang bilog para kay Cris? Ang bilog ay ang ‘Circle’, ang lugar na bumubuhay sa kaniya. Ang lugar na saksi kung paano siya naghirap mai-benta lamang ang kaniyang mga ‘items’. Ang  bilog ay ang buhay na tinatahak ni Cris bilang isang ‘small time’ negosyante, bilang isang kaibigan, at bilang isang ‘breadwinner’ ng kanilang pamilya. Ang huli ang hindi nakikita ng mga tao sa paligid niya. Akala nila para lamang sa pansariling kapakanan ang dahilan kung bakit kayod ng kayod si Cris, ang hindi nila alam, may kapatid siyang may sakit sa pag-iisip na lagi niyang iniintindi at may pamilya rin siyang binubuhay.

Sa kabila ng dami ng pasikot-sikot sa Circle, ng hirap na makabenta ng mga paninda, ng pagiging isang may kahuwadang kaibigan, at ng pagiging breadwinner ng pamilya para kay Cris makikisabay na lamang siya sa pag-ikot ng mga iyon.

 

Pagsabay at Pagpasok sa Buhay ni Rod

Si Rod, empleyado sa isang government office, Nora Aunor kung tawagin ni Cris, at isa ring bading na kayod marino rin sa pagtatrabaho para lamang may ipadala sa mga kaanak niya sa probinsiya. Nagtitiis lamang siya sa 3210 na cellphone, tinitiis na hindi bumili ng paborito niyang mangga, nakikipagsiksikan sa maliit na apartment, naglalakad lamang sa pagpasok, kapag gabi hindi siya pumupunta sa Circle dahil sa tuksong tumikim ng katas ni Adan, dakilang empleyado, dakilang anak, at dakilang kapatid. Sa sobrang kadakilaan ay halos kalimutan na niya ang pansariling pangangailangan, hanggang sa pumasok sa buhay niya si Cris. Nakipag-kaibigan si Cris sa kaniya na nang mga oras na yaon ay may kasamang matipunong lalaki na hinahanap ang kasintahang nakikibakang ipaglaban ang karapatan nila sa lupa. Dala ng kakisigan ng lalaki, lihim na nagkagusto si Rod kay Deo. Doon nagsimula ang lahat. Ang nais lamang ni Cris nang una ay magkaroon ng lovelife ang kaibigan. Tinutulak niya ito kay Deo. Hindi nga nabigo si Cris, naging mabuting magkaibigan sina Rod at Deo.

Kapag wala si Rod, si Cris ang sumasama kay Deo na hanapin ang kasintahan nito. Nahanap nila ang babae, ngunit hindi nakumbinse ni Deo na isama siya sa pakikibaka. Matapos niyon, isang balita ang nagbigay ng pighati kay Deo, namatay sa isang engkwentro ang kaniyang kasintahan. Kasabay ng pighating yaon, nakatanggap ng ‘text’ si Rod na ang paborito niyang pinag-aaral na kapatid ay may sakit sanhi ng E. Coli. Kailangan niya ng pera. Pinahiram naman siya ni Cris.

Ipapadala na sana ni Rod ang pera sa kaniyang kaanak nang biglang dumating naman si Cris kasama si Deo na nagluluksa sa pagpanaw ng kaniyang kasintahan. Kapwa may kapighatian ang dalawa. Nakiayon sa pagkakataon si Cris upang matukso ang dalawa. Nang gabing yaon may nangyari kina Rod at Deo. Nagtagumpay si Cris, ngunit bigo si Rod na mailigtas sa sakit ang kaniyang kapatid dahil sa gabing nagdaan. Nagsisi siya. Kung sana’y di siya nagpadala sa tukso, maipapadala niya sana ang perang kailang ng kapatid niya para sa gamut at maiiligtas niya pa ito. Ngunit natapos na ang gabi. May nangyari na sa kanila ni Deo. At di na niya maibabalik pa buhay ng inosenteng kapatid na sana’t matatapos na sa pag-aaral.

Pagsabay at Pagpasok sa Buhay nina Paolo at Miguel

Mag-bestfriend sina Paolo at Miguel. Si Miguel lihim na may pagtingin sa kaibigan na pilit niyang pinaglalabanan dahil alam niya hanggang doon lamang sila. Kahit na bading siya tanggap siya ni Paolo. Mataas ang respeto nila sa isa’t isa kahit pa naaakit si Miguel na may mangyari sa kanila ni Paolo. Samantalang si Paolo, isang guwapong call boy, sawa na sa ‘rejections’, madamdamin, at kung gaano kabilis umibig, ganoon din naman ito kay dagling makaramdam ng kabiguan. Sa kabila ng ‘indifferences’ ng magkaibigan, nagawa nilang pahalagahan at suportahan ang isa’t isa.

Na-love at first sight si Paolo sa isang babae na kabe-break lamang sa kasintahan nitong Intsik. Mahal ng babae at ng Intsik ang isa’t isa, kaya lamang, kailangan nilang maghiwalay dahil ayaw nang pamilya ng Intsik na hindi nila kalahi ang mapapangasawa ng kanilang anak. Naroon si Paolo, nasaksihan niya kung paano mag-away ang dalawa. Naroroon din si Cris na saksi kung paano hinabol ni Paolo ang babae. Naroon din si Miguel na damang nasaktan ang kaniyang kaibigan ng masigawan ito ng babae, bagay na hindi naramdaman ni Cris. Basta ang para kay Cris, kailangan niyang mapaglapit sina Paolo at ang babae.

Isang kaibigan ni Cris ang naging daan para magtagpo ang landas nina Paolo at ng babae. Sa restawran pormal na unang nagkita sina Paolo at ang babae. Naiinis ang babae sa dating kasintahan na naroroon din na may kasamang ibang babae. Dala niyo’y umalis ang babae, sinundan siya ni Paolo hanggang sa bahay nito. Akala ng babae gusto lamang siyang matikman ni Paolo, pero nagkamali siya. Para kay Paolo, madali sa kaniyang sumiping sa iba, pero kapag ang taong mahal na niya ang sisipingan, nagdadalawang isip na siya. Sa pagkakataong ito, muli na namang nagtagumpay si Cris na pagtagpuin ang mga taong di aakalain ng iba na imposible. Ngunit sa pagtatagpong yaon nag-ugat ang kinatatakutan ni Miguel sa kaniyang kaibigan— ang ito’y muling masaktan at muling magtangkang wakasan ang buhay. Akala ni Paolo ayos na sila ng babae, pero mali pala siya, mahal pa rin nito ang Instik at hindi ito magawang kalimutan. Dumating na nga ang kinatatakutan ni Miguel. Naglakad palayo si Paolo bitbit ang pangako sa sarili na huli na ang babae sa magpapasakit at magpapa-asa sa kaniya. Tumungo siya sa Circle. Umakyat sa tower. Bigo si Miguel na pigilan ang kaibigan. Huli na ang lahat para sa kaniya. Kinabukasan pumutok ang balitang may nagpakamatay sa Circle. At sa pangalawang pagkakataon, may nagbuwis ng buhay na nag-ugat sa paglalapit ni Cris kina Paolo at sa babaeng di makalimot sa kasintahang Intsik.

Pagsabay at Pagpasok sa Buhay ni Justin

Gwapo si Justin– tisoy, matangkad, may katikasan ang pangngatawan, ismarte ang tindig, nakaka-akit ang ngiti, at hindi nakakasawang titigan. Isang estudyante, call center agent at part-time call boy, mahilig manood ng mga sex videos kaya suki lagi ni Cris, at higit sa lahat in love sa isang doktora na nakikita niya sa parehong building na pinapasukan niya.

Sa mga pinasok na buhay ni Cris, tila kay Justin siya hindi gaanong nakapasok. Marahil dulot iyon ng pagiging ‘restricted’ ni Cris sa apartment nina Justin, Miguel at Rod, dahil sa mga nagawa niya. Gayunpaman, pilit pa rin ni Cris pinapasok ang sarili sa buhay ni Justin sa pamamagitan ni Unyak. Kilala ni Cris si Unyak, isang barkero ng dyip na madalas makita ni Justin sa paradahan. Hindi pinapansin dati ni Justin ang barkero, ngunit nag-iba yaon ng minsan siyang tinulungan ng babae na mabawi sa magnanakaw ang kaniyang cellphone. Doon lamang napansin ni Justin na maganda rin pala si Unyak. Kaya lang mas nagugustuhan talaga ng lalaki ang doktora. Minsan nga aabutan niya sana ng bulaklak ang doktora, ngunit nahihiya siyang magtapat ditto. Buti na lamang naroroon si Unyak. Hinablot ni Unyak ang isang dosenang rosas, inabot iyon sa doktora. Linapitan ng doktora si Justin at doo’y tinapat siya ng doktora na hindi siya nag-e-entertain ng manliligaw. Binalik ng doktora ang rosas saka umalis. Sumakay ng dyip si Justin, at bago lumulan palayo ang sasakyan, inabot ng binata kay Unyak ang rosas bilang pasasalamat sa mga tulong na nagawa niya. Noon lamang may nag-abot ng bulaklak kay Unyak kaya ibang tuwa ang naidulot niyon sa kaniya.

May alam si Cris na lihim ni Unyak. Gusto ni Cris na sabihin iyon kay Justin, bilang isang malapit na kaibigan ni Unyak. Kung tutuusin wala naman siyang galit kay Unyak o kaya kay Justin, at walang malinaw na dahilan kung bakit niya pa kailangang ilantad ang lihim ni Unyak kay Justin. Gusto niya lang ba kayang patunayan na matatanggap pa rin ba kaya ni Justin ang babae kung malalaman nito ang madilim na nakaraan?  O kaya’y gaya ng iba niyang nakasalamuha, gusto niya lang makahanap ng butas para mapa-ikot ang dalawa at magawang mabentahan ito ng mga ‘items’ na meron siya… at sa huli pasasalamatan siya? Sa kabila ng tunay na motibo ni Cris, ginawa niya pa ring ilantad ang lihim ni Unyak. Pumunta si Cris sa apartment, iniabot kay Justin ang sex video, at doon nakita niya na dati pa lang ‘porn star’ si Unyak. Apektado si Justin kahit naman papaano’y naging malapit na sa kaniya si Unyak.

 

Pagpasok sa Umiikot na Bilog

Masama ba si Cris? Gusto lang naman niyang tulungan ang mga taong nakakasalamuha niya kaya nakikisabay siya sa pag-ikot ng buhay nila. Yaon lang naman ang gusto niya.

Sa kagustuhan ni Cris na pumasok sa buhay nina Rod, Deo, Miguel, Paolo, Justin at Unyak ang nagtulak sa kaniya na mapalayo sa tinuring na mga kaibigan. Gusto niya lang namang makapasok sa bilog. Handa naman siya tumulong sa mga nangangailangan, kaya lang lagi talaga siyang humihingi ng kapalit. Ito ang hindi naiintindihan ng mga taong natulungan niya. Akala nila sa negosyo lamang umiikot ang buhay ni Cris. Akala nila nakikisabay lang si Cris sa pag-ikot ng bilog. Ang mali lang kay Cris, hindi niya nakikita ang posibleng idulot ng mga bagay na ginagawa niya sa iba. Pero wala rin naman pinagka-iba sa kaniya ang mga taong natulungan niya at sinisisi siya sa mga naging dulot ng mga nagawa niya. Dahil maging sila, pag-sabay lang ni Cris sa pag-ikot ang nakikita nila. Benta rito. Benta roon. Sales talk dito. Sales talk doon. Puro na lang negosyo. Pero kung makahinga sila ng sama ng loob kay Cris, nakikinig ito. Pero ni minsan ba narinig nila si Cris na naghinaing sa kanila? Alam ba nila na gaya ni Rod, breadwinner din siya? Na gaya ni Miguel, may pinapahalagan din siyang tao—ang kapatid niyang may sakit sa pag-iisip? At gaya ni Justin gusto niya ring magmahal? Hindi nila iyon nakikita. Nang malaman ni Cris ang pagkakamali niya, nagsisi siya. At sa unang pagkakataon nagawa niyang humingi ng tawad sa taong ni minsan ay hindi nakarinig ng may humingi ng patawad sa kaniya— si Unyak. Ang paghingi ni Cris ng tawad kay Unyak ay kasiguruhang pinagsisihan na niya ang mga nagawa niya.

Sa gayong daan tinahak ni Cris ang pagpasok sa loob ng bilog. Hindi iyon ganoon ka-swabe… dumaan din siya sa lubak. Nadapa. Gumapang. Bumangon. At saka natuto. Muli, magbabagong buhay siya. Nakapasok na siya sa bilog ngunit hindi rin ganoon ka-swabe roon. At gaya ng ginawa niya nang nasa labas pa siya ng bilog… makikisabay siya habang patuloy pa ring umiikot ang bilog.

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s