ANO, SINO AT PARA KANINO ANG “ANINO”?

(Pagsusuri sa pelikulang “Anino sa Likod ng Buwan” ni Jun R. Lana)

Sa unang beses kong marinig ang pamagat ng pelikulang “Anino sa Likod ng Buwan” ang unang tanong ko sa sarili ko: Ano ang “anino” sa pelikula? Ngunit matapos kong mapanood ang buong pelikula nabuo ko ang katanungang: Sino at para kanino ang anino?

SINO AT ANO ANG “ANINO”?

12065478_10153636469267141_5765711691741494341_n

Ang pelikulang “Anino sa Likod ng Buwan” na may international title na “Shadow Behind the Moon” ay sinulat at dinerehe ni Jun Robles Lana. Ang pelikula ay humakot ng parangal sa ilang international competition at isa sa mga ito ay ang pagkapanalo ni Jun Lana bilang Best Director.

Sa unang eksena makikita ang naliligong si Emma (ginampanan ni LJ Reyes) habang maririnig ang usapan ng dalawang lalaki, sina Joel (ginampanan ni Luis Alandy) at Nardo (ginampanan ni Anthony Falcon). Mahalaga ang simulang eksenang ito sa pelikula dahil dito pinakita ang uri ng pamumuhay na meron ang mga refugees at kung bakit sila nauwi sa pag-aaklas laban sa mga tinuturing nilang kaaway—ang mga sundalo.

Sa pagtakbo ng kwento, hindi mo mahihinuha kung saan ito patutungo. Unpredictable ang plot. Unpredictable din ang mga karakter. Hindi mo alam kung paano hahantong sa climax gayundin ang magiging ending nito. Marahil sa una, ang iisipin mo ang kwento ay iikot lamang sa giyera sa pagitan ng mga sundalo at rebelde. Sa susunod nama’y iisipin mong tungkol ito sa pagsasakripisyo ng mga sibilyan para lamang makamit ang kasarinlan sa kanilang bayan. Kalaunan sasabihin mong tungkol pala ito sa tagong relasyon nina Emma at Joel at ang pagtataksil nila kay Nardo.

Muli sa pagtakbo ng kwento, iisipin mong matalik na magkaibigan sina Emma, Nardo at Joel. Iisipin mo na walang anumang madilim na layunin si Joel sa mag-asawa at gayundin ang mag-asawa sa kaibigang sundalo. Iisipin mong totoo ang bawat isa sa isa’t isa.

Dahil sa unpredictable ang kwento at ang mga karakter (na ayon mismo sa writer-director nito ay orihinal nitong plano) malalaman nating ilan sa mga nauna nating hinuha ay kabaligtaran pala ng magiging takbo ng kwento. Hindi lang pala tungkol sa giyera ang kwento ng pelikula. Tungkol din pala ito sa paghihiganti ni Emma dahil sa pagkakahuli ng ama niyang si Samuel, pinuno ng kanilang kilusan, ng mga sundalo. Dahil sa paghihiganting ito nauwi sina Emma at Nardo sa pagpapanggap bilang mag-asawa at kaibiganin si Joel para makakuha ng impormasyon para maligtas ang ama sa kamay ng mga sundalo. Ginamit din ni Emma ang kaniyang angking ganda para maakit si Joel at magawang kontrolin ito. Bahagi pala ng pang-aakit nito sa sundalo ang paghihiganti. Samantalang, bahagi rin pala ng plano ni Joel na mapalapit sa nagpanggap na mag-asawa, at akitin si Emma para makakuha ng impormasyon tungkol sa mga rebelde.

5a60f444b

Pero hindi naging matagumpay ang bawat isa sa kanila. Nadiskubre ni Joel ang tunay na pagkatao nina Emma at Nardo. Si Emma naman, na kalauna’y inaming nahulog na rin kay Joel, ay hindi nagawang paslangin agad si Joel matapos nitong paslangin si Nardo. Ngunit nang magtapat si Joel na nagpapanggap lang sa nadarama niya kay Emma at inaming parausan niya lang ang babae, doon na nailabas ni Emma ang galit kay Joel. Una niyang binaril ang ari ng sundalo, sunod naman ay ang tuluyang pagpaslang rito. Sa pagtatapos ng kwento, nabuhay si Emma, ngunit di pa rin niya nabawi ang ama. Nasayang din ang pagbigay niya ng katawan at namuong pagmamahal sa sundalo dahil hindi pala ito totoo sa kaniya. Sa ganitong pagsasalarawan, hindi rin nagtagumpay si Emma.

Ngayon, sino at ano ba ang “anino” sa kwento? Ito ang mga lihim sa likod ng mga lihim. Ito ang pagpapangap sa likod ng pagpapanggap. Tumutukoy ito sa mga karakter—ang kanilang paglilihim at ang kanilang pagpapanggap— para lamang sa layuning para sa kanila ay tama.

PARA KANINO ANG “ANINO”?

Ngayon, para kanino ang “anino”? Ang anino ay para sa ating mga tagapanood ng pelikula. May ilan sa atin, na gaya ng anino, ay nagtatago sa likod ng buwan.

Ang mga sumusunod, sa aking paningin, ang mga realisasyon ng “anino” sa atin matapos ko itong mapanood:

1. Eklipse kung ituring ang “anino”. May nagsasabi na hindi raw naipakita ang kahulugan ng eklipse sa kwento. Ngunit para sa akin, ang eklipse ay hindi ang eklipse na literal na nabanggit sa kwento. Sa interpretative level, ang eklipse ay ang mga nasa sa loob na galit at paghihiganti na nauwi sa paglilihim at pagpapanggap. Ito ay sumasalamin sa mga karakter mismo. Ang mga karakter ang buwan na tinutukoy sa kwento. Akala natin, kasing ningning ng kabilugan ng buwan ang kanilang pagkatao. Si Joel bilang mapagkalingang kaibigan kina Emma at Nardo at isang tapat magmahal. Sina Emma at Nardo bilang mabuting sibilyan na kumakalinga sa isang sundalo. Ngunit ang mga kilos at salita pala nila ay gaya ng eklipse– nagtatago, nagkukubli.

May ilan sa atin na mayroong madilim na lihim. May kaniya-kaniya tayong dahilan kung bakit tayo nauuwi sa ganitong uri ng kilos. Minsan dahil sa hindi natin matanggap na tayo ay naabuso na ng ibang tao, nagagawa nating pagdiliman ng paningin kaya nagagawa nating makasakit ng palihim sa ating kapwa. Sa madaling salita, humahantong tayo sa paghihiganti sa kapwa. Sa mata ng Panginoong Diyos, sasabihin Niyang mali tayo dahil dapat nagpatawad tayo o kaya naman ay nagpasensiya na lamang. Gayunpaman, hindi rin ito naiiwasan; tiyak ngang likas na sa tao ang pagiging mapaghiganti.

2. Nang ang imoralidad ay naging moral. Tumatak sa isipan ko ang sinabi ni Emma kay Joel na sa “panahon ng giyera, hindi mo na maiisip kung ano imoral”. Ipinakita sa atin ng kwentong ito na minsan ang sa tingin nating tama ay hindi naaayon sa isang pagkakataon. Depende rin kasi ito. Sa pelikula, ang pagpapanggap, ang pagkitil ng buhay, at ang pakikipagtalik para lamang sa isang plano ay maituturing na imoral na gawain. Ngunit para kay Emma at Joel, moral man o hindi, hindi na mahalaga iyon dahil para sa kanila ang mahalaga ay ang magawa nilang maisakatuparan ang kanilang mga layunin kahit pa sila ay matapakan.

IMG_20160123_143115

Ang cast at crew ng pelikulang “Anino sa Likod ng Buwan” habang sinasagot ang mga katanungan ng tungkol sa pelikula matapos ang screening na ginanap sa Cine Adarna, UP Diliman, July 18.

3. Matuto tayo sa teknikal na aspektong pag-atake sa paggawa ng pelikula. Hindi kombesyunal na paraan ang ginawa ni Direk Jun Lana sa kaniyang pelikula. Iba ito sa mga maraming pelikula na istriktong sumusunod sa three-act-play. Ang pelikulang “Anino Sa Likod Ng Buwan” ay kinunan sa paraang kung tawagin sa industiya ay isang “tuhog” o isang “continuous shot”. Ito ay ang pagkuha sa isang eksena ng tuloy-tuloy. Risk taking ang ginawang ito ng direktor dahil unang-una dapat alam ng cinematographer ang blockings at kung saan anggulo kukunan. Mahirap din ito sa parte ng mga artista dahil hindi sila pwedeng magkamali. Sa mahigit kumulang isa’t kalahating oras ay di biro gawin ang “continuous shot”. Ngunit ayon mismo sa crew ng pelikula may ilang eksena silang dinaya na kung saan ay nagkaroon sila ng “cut” sa isang scene para lang maisingit ang ilang cure. Sa punto de vista ng isang manood, hindi naman ito naging halata. Ipinaliwanag ng direktor, upang maisakatuparan ang kaniyang pelikula, ilang beses silang nagkaroon ng workshop at meetings. Sa mga panahong iyon ay binubuo na nila ang konsepto ng pagkuha sa eksena at atake sa pag-arte (kasama na ang blockings) ng mga artista. Dahil sa tatlo lamang ang karakter, nakatulong ito para mas mapadali ang kanilang palitan ng linya. Sa kabuuan, ang istilo ng direktor ay animo’y isang dula sa entablado o teatro na mahigit isang oras na kinukunan.

IMG20160118223358

Si Jun Lana (writer-director ng pelikula) kasama ang nagsulat ng artikulong ito.

Ang “Anino sa Likod ng Buwan” ay isang ihemplo sa paggawa ng pelikula sa modernong panahon. Ihemplo ito sa paraang maging batayan ng mga nangangarap na maging isang filmmaker para makakuha ng ideya kung paano ba magkaroon ng ‘sense’ ang isang kwento o paanong magkaroon ng ‘kwenta’ ang isang ‘kwento’.

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s